198

Oct 18, 2017 @ 18:56

Kelot, kritikal sa mag-pinsan

Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang isang 30-anyos na lalaki matapos na pagtulungang pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay na mag-pinsan sa kanyang ulo at iba pang bahagi ng katawan gamit ang isang basag na bote sa lungsod ng Malabon, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Robert Radoc, taga-Orange Road, Barangay Potrero, ng nasabing lungsod, na kasalukuyang agaw-buhay sa Valenzuela City Medical Center dahil sa mga tama ng saksak sa kanyang ulo at katawan.

Sa ulat ni PO2 Jeric Tindugan, ng Malabon City Police-Homicide Unit, ganap umanong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente malapit lang sa bahay ng biktima.

Base sa salaysay ng misis ng biktimang si Janet Radoc, 28, sandali lamang umano siyang lumabas ng kanilang bahay upang bumili ng kanilang pagkain.

Ngunit bahagya siyang natagalan kaya’t marahil sumunod ang mister at sinundan siya.

Pagdating umano sa Orange Road, nadaanan ng biktima ang mag-pinsang sina Cris Macabuntok, alyas Topak at Jeremel Macabuntok, parehong 24-anyos, na nag-iinuman.

Agad tinanong ni Robert ang mga ito kung nakita ba ang kanyang misis ngunit sa halip na sagutin ng maayos ay binara ito ni alyas Topak.

Dito na nag-umpisang magkasagutan ang magkabilang panig hanggang sa magkamurahan na humantong sa pananaksak ng mag-pinsan ng basag na bote sa biktima.

Agad na naisugod sa pagamutan ang biktima ng mga tanod kasama ang kanyang misis na sa ngayon ay nasa kritikal pa ring kondisyon.

Patuloy namang pinaghahanap ang mga salarin na agad tumakas matapos ang krimen. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?