262

Oct 1, 2019 @ 12:17
By

Kelot binaril ang ‘karibal’ sa pag-ibig sa Taguig

Sa pamamagitan ng siwang sa bintana, nasilip ng isang lalaki ang minahal niyang babaeng katabi ang kinakasama, kaya pinasok nito ang bahay sa Taguig City at binaril ang “karibal” nitong Lunes.

Kaagad namang sinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ni Raquel Vito ang kanyang kinakasamang si Norvie Gonzaga, tricycle driver, 27, upang malapatan ng lunas sanhi ng tinamong tama ng bala sa likod nito.

Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang suspek na nakilala lamang sa alyas “Siyano.”

Batay sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director Police Brig. Gen. Nolasco Bathan, dakong alas-tres ng hapon, habang natutulog ang dalawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Wawa, bigla na lamang pumasok si Siyano na armado ng kalibre .38 revolver at pinaputukan si Gonzaga.

Sa kabila ng tinamong tama ng bala sa likod, tinangka pang habulin ng biktima ang suspek na mabilis na nakatakas.

Ayon naman kay Police Col. Alexander Santos, nasa ligtas nang kalagayan ang biktima na nagsabing matindi pa rin ang pagnanasa ng suspek sa kanyang kinakasama kahit siya na ang piniling pakisamahan.

Sa ngayon, patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya habang hinahanap si Siyano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?