123

Dec 25, 2017 @ 18:03
By

KC Concepcion, nangarag sa paghabol sa Pasko

Nagmistulang family portrait ang Instagram walls ng mga celebrities kung saan bumati ang mga ito sa kanilang mga followings at fans.

Ang Instagram ang ginawang platform ng marami sa mga Pinoy stars para ipakita ang solid na samahan nila ngayong Pasko.

Nangunguna na rito si Sharon Cuneta na nag-post ng family portrait ng kanyang buong pamilya.

Nangarag nga lang nang husto si KC Concepcion, ang kanyang panganay, dahil hinabol talaga nito ang Dec. 25 para lang makaabot sa selebrasyon nilang magpapamilya.

Galing ng Paris si KC para kunin ang kanyang college diploma na matagal nang nakaimbak sa university na pinasukan niya.

Nagliwaliw na rin doon ang aktres at muling ninamnam ang mga nakaraan niya sa Paris noong kasalukuyang nag-aaral pa lang siya dito.

Sabi nga ni KC sa posting niya, wala siyang tulog nang halos 24-oras sa biyahe niya para lang habulin ang pangako niyang dito sa Pinas magse-celebrate ng Christmas.

Samantala, kasama rin ni Aiko Melendez sa photo opt niya ang dalawa niyang anak na sina Andrei at Martina.

Walang lovelife ngayon si Aiko pero hindi ito malaking kabawasan sa kasiyahan niya lalo’t kasama niya ang mga anak at ang magandang daloy ng kanyang karera sa top-rating show na ‘WildFlower’ na pinagbibidahan ni Maja Salvador.

Naka-Christmas character face-app naman sina Pokwang at ang kasintahan niyang si Lee O’Brian sa pagbati nila sa IG.

Ayon kay Pokwang, ang pinaka-magandang regalong natanggap niya sa bawat Pasko ay ang kanyang mga anak.

Madadagdagan pa ang supling ng komedyana dahil due siyang magsilang ng sanggol ngayong January.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?