38

Dec 27, 2017 @ 12:38
By

Kaya tumaas ang rating, Duterte ginalingan – Nograles

Hindi na umano nakakagulat ang pagtaas ng net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, kung titingnan ang mga nagawa ng Pangulo, makikita namang pinatunayan nito na hindi lang sa mga Pilipino kundi sa buong mundo epektibo itong lider na nakikinig at nagtatrabaho.

Tinukoy ni Nograles na noong Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Vietnam ay trinabaho ni Pangulong Duterte ang patuloy na pagpapalakas ng alyansa sa ibang bansa partikular ang China at Russia na nagpadala ng tulong sa Pilipinas noong kasagsagan ng giyera sa Marawi.

Nasundan pa aniya ito ng hosting ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit kung saan pinangunahan nito ang lahat ng malalaking meetings.

Para sa kongresista, nag-iwan ng legacy ang Pangulo sa naturang event nang mapirmahan ang

ASEAN Consensus sa Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers.

Dagdag pa nito, ang Fitch investment rating upgrade sa Pilipinas nitong Disyembre ay patunay na hindi lang sa kampanya kontra iligal na droga nakatutok ng administrasyon kundi maging sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

“This should be enough to refute claims being made by his critics that his war against illegal drugs has sidetracked government’s focus to improve the country’s economy,” sabi ni Nograles.

Sa Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa mula Disyembre 8 hanggang 16, umakyat ang rating ni Duterte sa 58 percent (very good) mula sa 48 percent (good) noong Setyembre. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?