431

Feb 4, 2020 @ 17:14
By

Kaya nag-resign: Rio dinedma ni Honasan sa DICT

Pinagmukha umanong walang kuwenta si Undersecretary Eliseo Rio sa Department of Information and Communications Technology (DICT) kaya nagbitiw na lamang ito sa puwesto.

Ito ang inihayag ng opisyal makaraang magbitiw ito sa kanyang puwesto nitong nakalipas na Linggo.

Ayon kay Rio, nagkaproblema siya sa mga bagong Undersecretary at Assistant secretary na mga tao umano ni Secretary Gregorio Honasan dahil sa kabila nang napag-usapan nila ng kalihim ay hindi nasunod yung mga programa at mga proyektong naumpisahan niya.

“Yung work condition at yung relasyon ko sa mga bagong USec Asec, doon nagkakaproblema. Actually matagal na naming napag-usapan ito ni Secretary Honasan na hindi more or less nasusunod yung mga programa or mga projects na naumpisahan na namin wala pa sila. Sinabi naman ni Secretary Honasan, “pabayaan natin muna siguro give them chance, mga bata ‘yan may mag bagong ideas”. Ok naman yun,”ani Rio.

Gayonman, napansin aniya nito na hindi na siya isinasali sa decision-making kahit pa siya ang Undersecretary for operations at nang kinausap si Honasan ay sinabihan siya na sila na muna.

Sinabi ni Rio na kung wala na rin lang siyang ginagawa ay magbitiw na lamang ito dahil sayang lang ang ipinapasuweldo sa kanya ng gobyerno.

“Hanggang ho napupuna ko, I’m the Undersecretary for operations, hindi na ako nai-involve sa mga decision making process ng department. Kinausap ko si Honasan, Ang kanya naman, may mga ibang kuwan daw na sila lang muna… ‘Yung treatment .. sabi ko kung ganyan lang din ang kuwan ninyo ay sayang lang ang suweldo ng gobyerno sa akin dahl parang wala na akong ginagawa,” dagdag pa ni Rio.

Itinanggi ng opisyal na may kinalaman sa confidential fund para sa surveillance ang dahilan nang pagbibitiw nito sa puwesto.

Binigyang-diin ni Rio na wala silang kakayahan sa DICT para gumawa ng surveillance at wala silang sapat na tauhan para gumawa nito.

Sa ngayon aniya ay hindi pa tinatanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang resignation subalit tinawagan na siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea para i-schedule ang pag-uusap nila ng Presidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?