63

Dec 15, 2019 @ 14:39
By

Kaya hitik sa ‘insertion’ ang mga kongresista: Walang nakakain sa paggawa ng batas – Imee Marcos

Madalas, mas interesado diumano ang mga kababayan ng isang mambabatas sa gagawin nitong mga proyekto kesa sa mga batas na nagawa nito.

Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos kaya may ilang mga mambabatas na nagsisingit ng pondo sa ilang mga proyekto sa kanilang distrito kahit ‘last minute’ na nila itong pinapasok sa pagproseso ng national budget.

Subalit paliwanag nito, bagama’t sinisingit sa kahu-hiling minuto, hindi naman aniya ito matatawag na ‘pork’.

“Talaga namang may mga priority projects ang bawat distrito, at trabaho mo bilang kongresista na mag-uwi ng maraming projects. We can’t blame them for trying to get as much as much as possible,” sabi ni Marcos sa panayam sa dzBB.

“Pero ang masama diyan, kung talagang last minute na siningit ito. Ito ang papatunayan ngayon. At sabi nga, pag-aaralan daw kung talagang last minute na siningit ito. Kasi yung iba naman diyan nakita naman natin, talagang pinag-uusapan na,” dagdag nito.

Ayon kay Marcos, wala din masama kung huli na ang mga budget allocation basta’t naka-itemized lang ang mga ito.

“Kung nakalagay naman diyan kahit local project yan pero nakatakda, tulay sa barangay at maliwanag naman, ano namang problema nun? Para sa akin, ayos naman yun e, kailangan naman talaga,” ani Marcos.

“Marami sa ating constituents, pag-uwi natin nung congressman ako, wala naman silang masyadong interes sa mga batas-batas na yan. Nung nasemento naman yung kalye na papunta sa eskwelahan ng anak, tuwang-tuwa naman. Pero yung batas-batas, talaga naman, pang-press release lang yun. Wala namang nakakain doon,” sambit pa nito.

Sabi pa ni Marcos, ang pagsingit ng alokasyon ng mgaw mambabatas sa proseso ng badyet ay pagpapakita lang na talagang gusto nilang magkaroon proyekto sa kanilang distrito.

“Sa totoo lang, kung tutuusin, hanggang sa huling sandali talaga, sarado na yung tindahan, deadliest deadline na, pasok nang pasok pa rin talaga yung kongresista. Pasok nang pasok pa rin yung mga senators,” sabi ni Marcos.

“Kasi hindi talaga titigil ang bawat isa na ipasok ang kanilang kagustuhan. Pursigido rin talaga ang mga legislator natin,” wika pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?