504

By

Kaya gumanda ang buhay: Mga Pinoy satisfied kay Duterte – Andanar

Nararamdaman ng mga Pilipino ang ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya paborable ang survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong nakalipas na linggo.

Inihayag ito ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar bilang tugon sa SWS survey na apat sa sampung Pilipino ang nagsabing gumanda ang buhay nila.

Sinabi ni Andanar na patunay ang survey na tama ang mga ginagawa ni Pangulong Duterte at kung ano ang sinasabi ay tinutupad nito.

“Gumanda ang buhay, kumonti ang mahihirap, iyon yung mga surveys na iyon. 81% satisfied kay Presidente. Mataas yung satisfaction sa drug war, criminality, corruption,” ani Andanar.

Sinabi pa ng kalihim na maging ang Anti-Corruption groups, ang Transparency International ay nagsabing gumanda rin ang ranking ng Pilipinas pagdating sa transparency dahil nag-improve ito ng 13 points, na pinakamataas simula noong 2013.

Indikasyon lamang aniya ito na ang lahat ng ginagawa ni Pangulong Duterte ay sinasang-ayunan ng maraming Pilipino.

Sinabi ni Andanar na magpapatuloy ang mga ginagawa ni Pangulong Duterte at patuloy ding wawalisin ang marami pang corrupt sa gobyerno dahil isa ito sa adhikain niya sa kanyang administrasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?