143

Oct 1, 2020 @ 11:17
By

Kaya ayaw bumaba, Cayetano gusto mag-b-day na Speaker pa

Nilantad ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang dahilan kung bakit ayaw niya pang mapalitan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco: gusto niyang magdiwang ng kaarawan na siya pa rin ang pinuno ng Kamara.

Kwento ni Cayetano, sa pulong niya at ni Velasco kasama si Presidente Rodrigo Duterte ay nakiusap ang Pangulo na panatilihin sa puwesto si Cayetano hanggang Disyembre.

Ito umano ay para maiwasan ang delay sa pagpasa ng panukalang P4.5-trilyong budget sa 2021.

Makaulit na tumanggi si Velasco kay Duterte at pinunto kaya sila pumayag sa 15-21 House speakership deal: 15-buwang termino para kay Cayetano, at 21 para kay Velasco.

“When we made the ’15-21,’ at sabi ko nandyan si Senator Bong Go, very very clear ‘yung usapan: I have two budgets na ipapasa and magbi-birthday ako na ako ang Speaker,” sabi naman ni Cayetano sa kanyang privilege speech sa Kamara kahapon, Setyembre 30. Magiging edad 50 na si Cayetano sa Oktubre 28.

Pero problema rin ito para kay Velasco, na gusto ring maging House Speaker pagsapit ng Nobyembre 9 dahil ito ang 43rd birthday niya.

“Sabi niya, ‘birthday ko rin eh!’ Sabi ko, ‘50th birthday ko. Sentimental ako.’ Sabi niya, ‘Ang babaw mo naman.’ ‘Ang babaw ko talaga!’,” bulalas pa ni Cayetano.

Sa dulo ng kanyang speech, nag-alok si Cayetano na mag-resign bilang Speaker pero hindi ito tinanggap ng 184 niyang kapwa-mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?