102

Sep 14, 2019 @ 16:55
By

Kawawa pasahero! Nationwide tigil-pasada, huwag ituloy – commuters group

“Huwag naman sana nilang ituloy ang nationwide tigil-pasada sa September 30!”

Ito ang apela ni Jessie Santos, national president ng Public Commuter and Motorists Alliance (PCMA), sa transport group at hinimok na makipag-usap sa gobyerno sa kanilang mga hinaing.

Ayon kay Santos, tiyak na namang mga ‘end users’ o commuters ang mas higit na apektado kung matuloy ang nasabing malawakang tigil-pasada.

Aniya, sana ay mag-usap ang dalawang kampo at mag-isip ng paraan kung ano ang kanilang maaaring gawin upang hindi na matuloy ang sinasabing tigil-pasada ng apat na malalaking transport groups.

“Marami na tayong nakitang transport strikes o tigil-pasada at lahat ay talo lalo na kaming mga commuter,” ani Santos.
Sa isang panayam, sinabi ni Efren de Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), matapos ang kanilang konsultasyon sa Stop and Go Coalitions Central Luzon at Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), handang-handa na ang kanilang grupo sa tigil-pasada sa Setyembre 30.

Sinabi ni De Luna, ang tigil-pasada ay upang tutulan ang “phase out” program ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa jeepney at mas katanggap-tanggap ang rehabilitation program ng kanilang mga unit sa halip na bumili ng bagong unit na nagkakahalaga ng P2.2 milyon na siyang itinutulak ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?