25

Nov 7, 2021 @ 21:55
By

Kawatan ng motor nadakip sa QC

Naaresto sa isang entrapment operation sa Quezon City nitong Biyernes ang isang lalaking kawatan ng motorsiklo.

Kinilala ang suspek na si Micheal Jovit Marasigan, 35-anyos, residente ng Barangay Baesa sa nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, isang biktima ni Marasigan ang nagsumbong na ninakaw nito ang kanyang motor at hiningan siya ng pera para maibalik ito.

Kwento umano ng biktima, nagkunwaring pasahero ng motor si Marasigan ngunit habang nakaangkas ay nagdeklara ng hold-up at tinangay ang sasakyan ng biktima maging ang cellphone at pera nito.

Kaya naman ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation kung saan naaresto si Marasigan.

Nakuha pa mula sa kanya ang isang .22 caliber pistol, ngunit wala na ang ninakaw niyang motor.

Nahaharap si Marasigan sa kasong robbery extortion.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?