kulong
By

Kawatan at buyer ng nakaw na items, kulong

Sharing is caring!

Inaresto  ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang construction worker matapos na pagnakawan ng salapi at mga alahas ang  nagpapagawa sa kanila ng bahay sa Anonas, Quezon City.
Ayon kay Anonas Police Station 9 chief, P/Supt. Alex Alberto, ang  kawatan na nakilalang  si Dondon Dellumas, 18-anyos ay nagnakaw ng P30,000  cash at P64,000 halaga ng mga alahas na ibinenta naman kay Jonathan Escare, 46, kapwa residente ng No. 824 J.P Rizal St., Fairlane, Conception Uno, Marikina City.
Sa imbestigasyon, dakong alas- 8:00 ng umaga  (January 4, 2018), nadiskubre ng  biktimang si Jose Tuazon, naninirahan sa No. 55 Chico St., Brgy. Quirino 2-A, Project 2, na ang kanyang        cabinet ay puwersahang binuksan, at doon ay nawawala na ang kanyang pera at mga alahas.
Agad na inireport ni Tuazon sa pulisya ang naganap na nakawan sa kanyang tahanan at inaresto ang apat na  construction workers na inupahan niya para  gumawa ng extension ng kaniyang bahay.
Sa pulisya, inamin ni  Dellumas na siya ang nagnakaw sa nawawalang pera at mga alahas ni Tuazon at ibinenta kay Escare.
Sa follow-up operation ay inaresto si  Escare dahil sa pagbili nito ng mga nakaw na alahas mula sa nasabing suspek..
Si Dellumas ay kinasuhan ng  qualified theft habang si Escare naman ay sinampahan ng kasong paglabag sa  Anti-Fencing Law.
“Pinapaalalahanan din po natin ang ating mga kababayan na huwag basta basta bumili ng mga alahas at kagamitan kung hindi sigurado kung sino ang may-ari nito, upang hindi po tayo makasuhan ng pagbili ng nakaw na mga gamit,” pahayag ni QCPD director, P/Supt. Guiilermo Eleazar.
Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?