393

Nov 28, 2017 @ 17:41
By

Kawatan, 3-araw na nagnakaw sa niloobang bahay

Sa tulong ng taumbayan ay nasakote ang isang kawatan na may tatlong araw na palang nagnanakaw sa bahay ng kanyang biktima na umaatake sa tuwing aalis ng bahay ang may-ari at pamilya nito saka mangungulimbat sa Caloocan City mula noong Sabado hanggang Lunes ng hapon.

Sa ulat ng Caloocan City Police, base sa salaysay ng mga kapitbahay ng biktimang si Jessie Cruz sa 4th Avenue, Grace Park, Barangay 120 ng nasabing lungsod, umaga umano ng Sabado nang mamataan nila ang suspek na si Rafael Padua Simbulan, nasa hustong gulang, na nasa bahaging malapit sa bahay ng biktima.

Ngunit dahil sa hindi naman umano nila kilala ang suspek at sa akalang may pinupuntahan lamang umano sa lugar ay hindi na nila ito pinansin.

Ngunit lingid sa kaalaman nila ay pinasok na pala ng suspek ang bahay ng pamilya Cruz.

Linggo ng hapon pagkaalis ulit ng mga tao sa bahay ay nagnakaw ulit si Simbulan na muling nakita ng kapitbahay ng mga biktima na nagduda na sa suspek.

Muli itong nakita ng Lunes ng mga kapitbahay at dito’y inabangan nilang ang paglabas ng suspek kung saan kanilang natiyempuhan na may bitbit itong mga gamit mula sa bahay ng mga biktima kaya’t agad silang humingi ng saklolo sa kanilang barangay.

Nadakip ang suspek na hindi naman itinanggi ang mga paratang sa kanya at naibalik ang nakuha nitong gamit ngunit hindi na narekober pa ang mga nauna nitong nanakaw. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?