189
ABANTE-katrina-halili
By

Katrina Halili happy sa pelikulang ‘Mga Anak ng Kamote’

Pagkalipas ng ilang taon ay muling sumabak sa paggawa ng pelikula ang Kapuso actress na si Katrina Halili. Madalas kasing sa mga GMA7 show lang napapanood ang aktres.

Tampok si Halili sa pelikulang ‘Mga Anak ng Kamote’ na pinamahalaan ni Direk Carlo Enciso Catu. Kasama rin dito sina Alex Medina, Kiko Matos, Carl Guevarra, at iba pa.

Ito ay isang futuristic film na ang setting ay taong 2048, na ang kamote ay ipinagbabawal na tulad ng droga. Gumaganap dito si Katrina bilang babaeng naninirahan sa bundok na napilitang bumaba sa lungsod upang hanapin ang nawawalang asawa, na napagbintangang nagbebenta ng kamote.

Ang naturang pelikula ay entry sa 3rd ToFarm Film Festival, na na-nominate si Kat (palayaw ni Katrina) bilang Best Actress.

Ayon kay Kat, natuwa raw siya nang in-offer sa kanya ang Mga Anak ng Kamote.

“Noong in-offer po sa akin iyong Mga anak ng Kamote, natuwa po ako, kasi kakaiba po siya sa mga nagawa ko before. Sabi ko lang, na kung puwede i-guide na lang din nila ako,” sambit ni Kat.

Hindi ba siya nagdawalang isip na tanggapin ang project? Lately kasi, either mataray or kontrabida roles ang natotoka sa kanya?

Esplika ni Kat, “Sobrang trusted ko naman po yung production, dahil nanay nanayan ko po si Nay Omar (Sortijas-producer).

Ano ang challenge na na-feel niya habang ginagawa itong movie?

“Mas mahirap pala iyong internal struggle kasi super close up pa, kailangan tama iyong lumalabas na emotions, hindi gaya kapag may ibang movement, mas madaling magalit o masaktan.”

Ano ang preparation niya sa kanyang role sa pelikulang ito?

“Naku, wala na pong naging preparation dyan dahil puno iyong sked ko habang ginagawa ‘yan. Nagkaroon lang po kami ng look test before kami mag-start ng movie.”

Ipinahayag pa ni Kat na masaya siya sa kinalabasan ng kanilang pelikula.

“Yes, happy po ako sa movie. At least, iba naman po sa nakasanayan kong gawin. Kasi, puyat at pagod ‘yun, two weeks na two hours lang ang tulog ko.

“Nakakatuwa na may mga naka-appreciate sa ginawa namin, especially sa pagganap ko bilang si Iyong,” nakangiting saad pa ni Kat na napapanood ngayon sa afternoon prime time series ng GMA-7 na The Step Daughters.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?