151
motor
Mar 16, 2018 @ 18:13
By

Katayan ng motorsiklo, sinalakay sa Caloocan

Ni-raid ng mga awtoridad ang isang motorshop surplus, na nagsisilbi pa lang katayan ng mga nakaw na motorsiklo saka ibebenta ang mga piyesa nito sa mas mataas na halaga sa lungsod ng Caloocan kaninang umaga.

Sa ulat ng Caloocan City Police-Anti Carnapping Unit, pasado alas-11:00 ng umaga nang salakayin ng mga tauhan ng nasabing himpilan ang Dimple Surplus Motorshop na matatagpuan sa kahabaan ng C3 Road, Barangay 22 ng nasabing lungsod.

Naisakatuparan ang nasabing pagsalakay sa bisa na rin ng search warrant na inilabas ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 22.

Sa labas pa lang ng nasabing motorshop ay tumambad na sa pulisya ang iba’t ibang mga cylinder block, motorcycle engine, rearsets, shocks, rims, mags at iba pang mga orihinal na piyesa na binaklas mula sa mga motorsiklong na-motornap at binitbit sa kanilang shop.

Nag-ugat ang operasyon dahil na rin sa reklamo ng ilang mga nabiktima at nanakawan ng motorsiklo, na ayon sa kanila ay naghahanap umano sila ng mga piyesa ng motorsiklo sa nasabing shop nang makita ang mga piyesa nilang nakabaklas na at ibinebenta na sa shop.

Agad namang inimbitahan sa pulisya ang may-ari nitong si Myrna Felipe Santiago, nasa hustong gulang, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o Anti-Carnapping Law of the Philippines.

Depensa naman ni Santiago, bumibili umano siya talaga ng mga kinatay na motorsiklo at ibinebenta ang mga piyesa nito sa mas mataas na halaga, ngunit hindi niya umano alam na galing sa nakaw ang mga gamit at hindi niya rin umano alam na ipinagbabawal pala sa batas ang pagbebenta ng mga piyesang galing sa mga katay na sasakyan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?