268
Katas ng intel report! Cayetano dinepensahan si Duterte matapos ipatigil ang mga PCSO-sanctioned game
Jul 28, 2019 @ 18:18
By

Katas ng intel report! Cayetano dinepensahan si Duterte matapos ipatigil ang mga PCSO-sanctioned game

Ipinagtanggol ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang itigil ang operasyon ng mga number game sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa umano’y talamak na korapsiyon.

Ayon kay Cayetano, malalim na ‘intel report’ ang nasa kamay ngayon ng Pangulo kaya hindi ito masisisi kung sakaling umabot sa ganitong yugto matapos niyang ipahinto muna ang lahat ng PCSO-sanctioned number games.

“So I have no doubt na ‘yung latest move ng ating Pangulo ay dulot nu’ng kanyang impormasyon. Madalas kong sabihin, hindi agad natin maja-judge ang Pangulo kasi mas marami siyang impormasyon kaysa sa atin, mas marami siyang sources – formal and informal – intelligence man ‘yan, or processed na actionable intelligence,” paliwanag ni Cayetano sa isang panayam sa Zamboanga City.

“Hindi mag-o-order ‘yung Pangulo ng ganyan, kung hindi substantial ‘yung corruption,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Aminado si Cayetano na hindi pa siya nabibigyan ng Palasyo ng briefing tungkol sa umano’y garapalang korapsiyon at dayaan na kinasasangkutan ng mga matataas ng opisyal ng PCSO subalit tiwala ito na mapapanagot agad ang mga tiwaling sabit sa nasabing iskandalo.

“So we haven’t been fully briefed yet, kung anong ibig sabihin. But I don’t think na papayag ‘yung Pangulo na mag-suffer ‘yung public service,” saad ni Cayetano.

Iniutos ng Pangulo nitong Biyernes ng gabi ang pansamantalang pagtigil ng mga sikat na number games ng PCSO kagaya ng Lotto, Small Town Lottery (STL), Loterya ng Bayan at Keno dahil sa umano’y garapalang katiwalian ng matataas na opisyal ng ahensiya.

Una nang hinimok ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang liderato ng Kamara nitong Sabado na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa umano’y talamak korapsiyon na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng PCSO.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?