316

Jul 19, 2019 @ 13:09
By

Kasong sedisyon vs VP Leni, oposisyon, pangha-harass! – Liberal Party

Isa lang panliligalig at pag-uusig ang reklamong sedisyon na inihain laban kay Vice President Robredo, ibang mambabatas at iba pang miyembro ng oposisyon kaugnay ng online videos na nag-uugnay sa miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.

Ayon kay Liberal Party President Senator Francis Pangilinan, si Robredo ang tanging mataas na opisyal ng gobyerno na humaharang sa war on drugs at ng polisiya ng pamahalaan patungkol sa presensiya ng China sa West Philippine Sea.

Ginagawa ito ng mga kalaban ng demokrasya dahil si VP na lang ang nakaharang sa kanilang hangarin na ituloy ang patayan sa huwad na war on drugs nang walang nananagot, ang pagbenta ng Pilipinas sa China, at ang panghabambuhay na paghahari-harian nila sa bansa,” ani Pangilinan said.

Nauna rito naghain ang Philippine National Police (PNP) na reklamong sedition laban kina Robredo, senators Leila de Lima at Risa Hontiveros, dating Senador Bam Aquino at Antonio Trillanes IV, mga miyembro ng Otso Diretso senatorial slate at iba pa.

Ito’y kaugnay ng videos na ginawa ng isang nagngangalang Bikoy na nag-ugnay sa pamilya Duterte sa iligal na droga.

Si Peter Joemel Advinculo na sinasabing Bikoy sa “Ang Totoong Narcolist videos” ay kasama rin sa reklamo bilang akusado at testigo.

“Political harassment at persecution ang ginawang pagsampa ng kaso ng sedition, inciting to sedition, at kung anu-ano pa kina Vice President Leni Robredo at sa ating mga kaalyado sa Senado at sa mga kandidato natin sa Otso Diretso, at maging sa mga sumuporta sa ating mga taong-simbahan,” sabi ni Pangilinan.

“Gawa-gawa, kasinungalingan, at walang basehan sa katotohanan ang mga paratang,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?