By

Kasong graft ni Cong. Yap, lilitisin na ng Sandiganbayan

Sharing is caring!

Nakitaan ng probable cause ng Sandiganbayan para litisin sa kasong graft kaugnay ng pork barrel scam si dating Agriculture secretary at ngayo’y Bohol Rep. Arthur Yap.

Sa 9-pahinang resolusyon, tinanggihan ng anti-graft court Sixth Division dahil sa kawalan ng merito ang hirit ni Yap na mabasura ang judicial determination of probable cause.

Nahaharap si Yap sa dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds bilang kapwa-akusado sa kaso ni dating Nueva Ecija Rep. Rodolfo Antonino sa maling paggamit ng P14.55-million pork barrel fund noong 2007.

Kaugnay ito ng pinondohang proyekto ni Antonino sa kanyang distrito sa Nueva Ecija katuwang ang Buhay Mo Mahal ko Foundation, Inc. (BMMKFI) na siya rin ang may-ari.

Base sa kasong inihain ng Office of the Ombudsman, hindi sinunod sa implementasyon ng proyekto ang appropriation law at implementing rules, at wala rin itong public bidding.

Pumasok naman sa Memorandum of Agreement (MOA) sa BMMKFI si Alan Javellana ng National Agribusiness Corporation kung saan merong pirma si YAP na noo’y DA secretary.

Iginiit ng opisyal na hindi siya dapat kasama sa kinasuhan dahil tumayo lang siya bilang kinatawan ng DA, walang partisipasyon sa pagpili sa BMMKFI at sa pagpapatupad ng PDAF-funded project, at hindi rin tumangggap ni isang sentimo dito.

Pero ayon sa Sandiganbayan, merong sapat na ebidensya para litisin si Yap at kapwa-akusado nito.

“The court finds that sufficient grounds exist for the finding of probable cause for the purpose of issuing warrants of arrest against the accused,” sabi ng korte.

Hindi na maglalabas ang Sandiganbayan ng arrest warrants laban kina Yap at Antonino dahil nauna na silang naglagak ng tig-140,000 pesos na piyansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?