68

Oct 20, 2017 @ 20:47

Kaso vs Piston, jeepney operators kasado na

Nakahanda na ang kasong isasampa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), laban sa mga jeepney transport operators na sumama sa isinagawang magkasunod na 2-araw na tigil-pasada nitong nakaraang Lunes at Martes.

Sinabi ni LTFRB chair Martin Delgra, hindi umano nila maaaring isantabi na lamang ang ginawang transport strike at nararapat lamang na kasuhan ang mga franchise owners ng mga jeepneys dahil sa halip na serbisyuhan ang mga commuters ay sila pa ang nagpahirap sa mga ito.

Nilinaw ni Delgra na sa ilalim ng memorandum circular ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga transport operators ang lumahok sa anumang protesta o ikakasang mga tigil-pasada.

Maliban sa mga jeepney operators, nakatakdang sampahan rin ng kaso ng ahensiya si Pinagkaisang samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), national president George San Mateo.

Hindi naman umano natatakot si San Mateo sa mga kasong isasampa laban sa kanya at handa niyang harapin at ipaglaban ang kanilang mga hinaing, at hindi sila mapipigilan sa kanilang mga ikakasa pang mga tigil-pasada.

Ayon kay San Mateo, “unfair” ang naturang akusasyon at “diversionary tactics” lamang ng pamahalaan.

Giit ni San Mateo, lehitimo ang kilos-protesta na kanilang isinagawa na ang layunin ay ipaglaban ang karapatan ng mga tsuper na tiyak aniyang mawawalan ng hanap-buhay sa sandaling matuloy ang jeepney phaseout at modernization program ng gobyerno.

Muling niyang binigyang-diin na ang issue rito ay may legitimate na kilos protesta ang mga driver at jeepney operator dahil mawawalan sila ng kabuhayan, at malinaw na ang gusto aniya ng gobyerno ay ipagkaloob ang transportasyon sa malalaking korporasyon.

Magugunitang nagsagawa ng 2-araw na tigil-pasada ng mga jeepney operators na sumuporta sa PISTON, Sumuporta din dito ang ilang militanteng grupo, sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), upang i-protesta ang modernization program at jeepney phaseout ng pamahalaan, na makakaapekto umano sa may 600,000 jeepney drivers. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?