76
ABANTE MT PULAG HIKER CASE
Jan 26, 2018 @ 11:41
By

Kaso vs hikers na nanunog sa Mt. Pulag, kasado na

Inihahanda na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kasong kriminal na isasampa nito laban sa grupo ng mga hiker mula sa Cebu na responsable sa pagkasunog ng may limang hektaryang grassland sa Mt. Pulag.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, malaki ang naging pinsala ng sunog na dala ng kapabayaan ng mga hiker kaya mararapat lamang silang managot ng paglabag sa National Integrated Protected Areas System Act of 1992 at Forestry Reform Code of the Philippines.

Sa inisyal na imbestigasyon sinabi ni DENR-CAR Regional Director Ralph Pablo, na ang sunog ay nagmula sa pagsabog ng butane gas stove na dala ng pitong mountaineers sa pangunguna ng isang Kristomar Mackay.

Sa harap ng nasabing insidente ay ilang alituntunin ang planong ipatupad ng DENR sa mga hiker na aakyat sa mga bundok upang hindi na maulit ang kaparehas na insidente, ani Cimatu ilan dito ay pagdadala ng mga overnight campers ng protable fire extinguishers at pagtatalaga ng mga open area kung saan doon lamang papayagang magluto.

Samantala, ang nasunog na bahagi ng Mt. Pulag ay ideneklara nang off-limits upang bigyang daan ang rehabilitasyon nito, sinabi ni Pablo na may ilang measures din silang ipinatutupad sa nasunog na bahagi sa Saddle Camp Site upang mapabilis ang rehabilitasyon nito.

Ang Mt. Pulag na tinatawag na “playground of the Gods” ang ikatlo sa pinakamataas na bundok sa bansa, ito ang highest peak sa Benguet Province at paborito ng mga mountaineers dahil na rin sa dito umano masisilayan ang pinakamagandang sunrise. (Tina Mendoza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?