123

Jul 15, 2019 @ 14:50
By

Kaso ng sextortion lumala – De Lima

Dahil sa dumaraming kaso ng “sextortion” sa social media, nanawagan si Senadora Leila de Lima sa gobyerno na doblehin ang kanilang effort sa pagtugis sa mga sindikatong nagbibiktima sa online.

“Dapat pagtulungang sugpuin ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga sindikatong nasa likod nito upang mabura ang ganitong mga modus sa internet na nakapambiktima na ng maraming tao,” sabi ni De Lima.

Ginawa ni De Lima ang panawagan kasunod ng ipinalabas na dokumentaryo sa Channel News Asia (CNA) na pinamagatang “The Dark Web”, na tungkol sa Bulacan-based sextortion syndicate na pinamumunuan ng isang Maria Caparas.

Target umano ng sindicate ni Caparas ang mga dayuhang kababaihan at maging ang mga batang edad 12 pababa.

Isa sa mga naging biktima ang 17 anyos na si Daniel Perry mula sa Scotland na nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay matapos na hindi nito masunod ang hinihingi ng grupo ni Caparas.

Si Caparas na tinaguriang “Sextortion Queen” ay nakakulong na ngayon dahil sa kasong child abuse at trafficking.

Istilo ng grupo ni Caparas na kumuha ng hubad na litrato o video ng mga biktima sa social media account nila at iba-blackmail ang mga ito para hindi ito mailathala.

“Nalagay ang Pilipinas sa malaking kahihiyan dahil sa kasong ito ni Caparas. Hindi na ito dapat pang maulit. Gawin natin ang lahat upang matiyak na ligtas ang paggamit ng Internet at social media,” ani De Lima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?