158

Nov 7, 2017 @ 17:10
By

Kaso ng Duterte admin kay Sereno, mahina – Trillanes

Nakatitiyak si Senador Antonio Trillanes na mahina ang bala ng Duterte administration laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon sa senador, ito ang indikasyon ng paghahamon ng Malakanyang na magbitiw na lang ang punong mahistrado.
Kung may malakas na ebidensya laban kay Sereno, hahayaan umano ito na litisin ng Senado na tatayong impeachment court.

Nitong Lunes, nanawagan si Presidential spokesperson Harry Roque kay Sereno na ikonsidera na ang pagbibitiw para mailigtas umano ang hudikatura sa higit na kasiraan.

“I believe yung ganung statement is a sign of weakness ng ebidensya. Kasi kung malakas ang ebidensya mo, ituloy mo ang impeachment. Dalhin nila yan dito sa Senado and let the senators decide,” pahayag ni Trillanes sa Kapihan sa Senado.

Si Sereno ay nahaharap sa impeachment complaint sa Kamara kung saan inakusahan siya ng katiwalian at pagtataksil sa bayan dahil gumamit umano ng salapi ng publiko para sa kaniyang maluhong lifestyle, hindi rin umano nagsabi ng totoo sa kaniyang statement of assets, liabilities and networth (SALN), pineke ang mga dokumento ng korte at pinaikot umano ang Judicial and Bar Council (JBC) para sa sariling kapakanan.

Hindi naman inupakan ni Trillanes si Roque dahil kaibigan daw niya ito bukod sa ang amo ni Roque na si Pangulong Duterte ang kaniyang puntirya.

“Kaibigan ko siya. Hindi siya ganyan kaya I will not attack him frontally. I will just focus on his principal. Pero word of advise ko, huwag siyang magsunog ng tulay. Mabilis lang yang si Duterte, saglit lang ‘yan,” ani Trillanes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?