77

Sep 29, 2017 @ 17:03

Kaso laban sa Castilo hazing-slay suspects, matibay – MPD

Kumpiyansa ang Manila Police District na sa huli ay mapagtitibay nila ang mga asunto na kanilang isinampa sa mga sangkot sa pagkasawi ng UST Freshman law Student na si Horacio Castillo III.

Ayon kay Police Supt.Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, ito’y dahil sa mga nakalap nilang Ibedensiya sa Crime Scene na posibleng makapagbibigay linaw sa kaso ng pagkasawi ni Castillo.

Gayunman, hindi binanggit kung ano-anong mga ebidensiya ang nakuha ng Scene of the Crime Operatives kahapon sa loob ng Aegis Juris Library sa Laong Laan St sa Sampaloc, Maynila.

Una nang sinabi ni Margarejo na sampung araw ang bisa ng search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court at posibleng sa loob ng panahong iyon ay mabalikan pa uli nila ang crime scene para kumalap ng karagdagang ebidensya.

Tumanggi si Margarejo na banggitin ang detalye ng mga nakuhang ebidensya, pero pagtitiyak niya, kasunod ng paghalughog sa Aegis Juris Library, may magandang development na makakatulong sa kaso.

Ayaw pa ring sabihin ng MPD kung tampered na ba ang lugar.

Pasado alas tres kahapon nang may ilabas na mga physical evidence mula sa loob ng fraternity library, at kabilang na rito ang itim na hugis paddle.

May mga brown paper bag din na inilabas at isinakay sa sasakyan ng MPD SOCO.

Paliwanag ni Margarejo, sasailalim ang mga nakalap na ebidensya sa forensic examination at validation ng crime laboratory ng MPD.

Kapag natapos na ang pagsusuri sa mga ebidensya, saka pa lamang umano makapaglalabas ng conclusive statement. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?