25

By

Kasapi ng ‘Zero to Hero’ humihinga pa

Hindi pa isasabit ni Ryan Araña ang basketball jersey.

Humaba pa ang PBA career ng dating De La Salle star, kahit isang conference lang.

Pirmado na ang kontrata ng guard sa Rain or Shine.

Homecoming ng 36-anyos na basketbolista sa Elasto Painters. Kilala pa noong Welcoat ang team nang tapikin ang tubong Tondo bilang 12th pick noong 2007.

Sa NorthPort huling nagsuot ng uniporme ang cager bago nalagay sa unrestricted free agent noong nakalipas na Governors Cup.

Magagamit ni coach Caloy Garcia ang veteran presence ni Araña pamalit sa babakantehing puwesto ni Ping Exciminiano.

Nagka-injury si Exciminiano sa Achilles nang maglaro sa ligang labas.

May reunion din si Araña kina Gabe Norwood, Beau Belga at assistant coach na ngayong si Jireh Ibanes.

Miyembro silang apat sa team ni coach Yeng Guiao noong 2012 na unang sumikwat ng kampeonato para sa Rain or Shine, ang Governors Cup.

Nag-kampeon din si Araña sa San Miguel Beer, kasama sa ‘Zero to Hero’ team noong 2016 na umahon mula 0-3 deficit para agawan ng titulo ang Alaska sa Philippine Cup.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?