157

Dec 5, 2017 @ 14:54
By

Kasambahay kalaboso sa paulit-ulit na pagnanakaw

Inaresto ang isang kasambahay matapos umanong pagnakawan ng paulit-ulit ang pamilyang kanyang pinaglilingkuran sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ni PSSupt. John Chua, ng Malabon Police, ala-una umano ng madaling-araw nang humingi ng saklolo ang pamilyang biktima na hindi na muna pinangalanan, residente ng Barangay Hulong Duhat, sa mga pulis dahil umano sa nawawalang P60,000 na halaga ng pera at mga alahas nito.

Agad rumesponde ang pulisya sa bahay ng mga biktima at sa ginawang imbestigasyon ay nakita ang mga nawawalang alahas at pera sa silid ng suspek na si Lerma Padon kaya’t inaresto ito.

Depensa ng suspek, natagpuan lamang umano niya ang nasabing pera at mga alahas na nakakalat sa kabahayan kaya naisipan niyang itago ang mga ito upang hindi umano makuha ng mga trabahador din sa kanyang amo.

Mariin din niyang itinanggi na magagawa niyang pagnakawan ang kanyang amo, natakot lamang umano kasi siyang ibalik ang mga ito dahil sa baka siya ang pagbintangang nagnanakaw sa pamilya na matagal na pala umanong nangyayari.

Ayon sa mga biktima, palagi umano silang nawawalan ng mga pera at kung ano-ano pang gamit ngunit hindi naman umano nila pinag-isipan ng masama at pinagbintangan si Padon dahil malaki ang tiwala nila rito.

Dagdag pa ng pamilyang biktima, nito lamang Nobyembre ay nasunugan sila at nawalan ng milyong halaga.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Malabon City detention cell ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong qualified theft, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon kung may kinalaman sa sunog na nangyari sa bahay ng pamilya ang suspek at kapag nagkataon ay sasampahan din ito ng arson. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?