357

Oct 16, 2017 @ 18:22

Kasambahay, inatado sa ilalim ng lababo

Tadtad ng saksak ang katawan nang matagpuan ang bangkay ng isang kasambahay sa ilalim ng lababo sa basement ng bahay ng kanyang amo sa Brgy. Old Balara, Quezon City nitong Sabado.

Ang biktimang si Analiza Garde, 44, dalaga, stay-in helper sa No. 69 Paris St., Capitol Homes, Brgy. Old Balara.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang kasamahang helper ng biktima na si Diane Todillo, na kasama niyang nanunuluyan sa basement ng tahanan, matapos na umalis ito at hindi na nagpakita pa, isang araw bago natagpuan ang bangkay ng biktima.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Jose Tasarra Jr., ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 6, nabatid na dakong alas-11:45 ng umaga kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ni Garde sa ilalim ng lababo ng laundry area sa basement ng tahanang pinaglilingkuran niya.

Ayon kay Cesar Cabacungan, 69, negosyante, amo ng biktima, kukuha umano sana siya ng pagkain ng aso nang mapuna ang mga patak ng dugo sa hagdan sa laundry area kaya’t agad niyang tinawag ang kanyang anak na si Cezan.

Kaagad nilang inalam kung saan nagmula ang dugo at laking gulat nila nang makita ang bangkay ng biktima na agad na itinawag sa guwardiya ng subdibisyon na si Benjamin Bautista, na siya namang tumawag sa pulisya.

Sa salaysay ng mga Cabacungan, huli nilang nakitang buhay ang kasambahay nang pagsilbihan sila ng hapunan noong Oktubre 13.

Dakong alas-nuwebe ng umaga noong Oktubre 14 ay hindi na umano nila ito nakita pa, habang nagpaalam naman sa kanila si Todillo na aalis na dahil sa malalang karamdaman umano nito. (Dolly Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?