123

By

Kasalan binulabog, simbahan sinira at 2 sugatan sa buhawi sa Marikina

Sharing is caring!

Habang unti-unting nagpaparamdam ang bagyong Ompong sa Metro Manila, biglang lumitaw ang isang malaking ipo-ipo na sumira sa ilang pasilidad, lumang simbahan, bumulabog sa isang kasalan at sumira ng mga poste, nitong Biyernes, Setyembre 14, sa J.P. Rizal, Barangay Sta. Elena, Marikina City.

Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga miyembro ng Marikina City Police Station at ahensya ng local government unit sa pamumuno ni Mayor Marcelino Teodoro at nasagip ang dalawang sugatang residente na sina sina Paul John Campos y Hanlor at Janet Juanzo y Acabado, kapwa nasa hustong gulang.

Nakita ang malaking ipo-ipo o buhawi sa parte ng Barangay Sta. Elena, bandang alas-5:20, Biyernes ng hapon na tumagal ng 10 hanggang 15 minutong pananalasa na ikinasugat ng dalawang residente.

Marami ang napinsala ng buhawi kabilang na dito ang Our Lady of the Abandoned Church, Kapitan Moy events place na kung saan ay may nagaganap na kasalan, Otto Shoes Building at Marikina Shoe Museum.

Habang nasa 20 kabahayaan ang nasira sa dalawang barangay na sinalanta ng malaking ipo-ipo. Nasira din ang isang transmission line na nagdulot ng malawakang brownout sa lungsod at ang 100-taong gulang na Acacia tree.

Nasa mahigit 500 pamilya na ang nasa evacuation center na Biyernes pa lang bilang paghahanda sa pagdating ng bagyong Ompong.

Kasalukuyang nakaantabay ang mga pulisya at LGU sa mga maaapektuhan ng rumaragasang bagyong Ompong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?