201

Oct 24, 2020 @ 15:33
By

Kasal napurnada! Alex Gonzaga, pamilya nagpositibo sa COVID-19

“Totoong mayroon talagang pandemic.”

Ito ang nasambit ni Alex Gonzaga sa pagbunyag niya na siya at buong pamilya niya kabilang ang kanyang fiancé na si Mikee Morada ay tinamaan ng COVID-19.

Sa kanyang vlog ngayong Sabado, masayang binalita ni Alex na naka-survive na silang lahat sa COVID-19.

“Maraming nagtatanong sa akin kung bakit di pa ko lumalabas sa Lunch Out Loud. Hindi po ako nagpapakita sa show kasi nagka-COVID po ako and thank God ako ay naka-survive. Actually the whole family,” bahagi ni Alex.

Nagsimula raw ang coronavirus outbreak sa kanilang bahay matapos isang kasama nila ang nag-crave at bumili ng pagkain sa labas.

Unang nahawa ay ang kanyang Mommy Pinty. Kapwa asymptomatic ang mommy niya at kanyang daddy Bonoy.

Nakaranas naman siya, si Mikee at assistant niyang si Sofie ng mild symptoms gaya ng sore throat at pagkawala ng panlasa pero walang kinailangang maospital sa kanila.

Inamin ni Alex na sobra siyang nadismaya nang ma-test siyang positibo sa coronavirus na nagpa-delay sa kasal nila ni Mikee ngayong October.

“Gusto ko ikasal ngayon kasama ‘yung family, konting friends pero dahil sa walang kakwenta-kwentang bagay, nagkaroon kami ng COVID,” aniya.

“Gusto mong ikasal tapos ito ‘yung nangyari hindi mo alam kung itutuloy mo pa o hindi,” dagdag ni Alex na hindi na napigilan ang kanyang pag-iyak.

Binahagi raw niya ang kanilang karanasan para magsilbing aral sa iba ang kanilang pagkakamali, magbigay ng pag-asa na maaari pa ring gumaling mula sa COVID-19 at magpakalat ng awareness na mayroong banta ng virus.

Panoorin ang buong COVID journey ni Alex:

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?