260

Sep 16, 2021 @ 19:03
By

Kasabihang ‘crime does not pay’ magkakatotoo kay Duterte – Lagman

Matapos payagan ng International Criminal Court (ICC) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa war on drugs ng gobyerno, sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na maaari ng magkatotoo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kasabihang “crime does not pay”.

Ayon kay Lagman, ang programa ni Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot ay nagresulta sa kamatayan ng maraming tao na karamihan ay mula sa sektor ng mahihirap.

Ipinunto ni Lagman na mismong gobyerno ang nagsabi na tinatayang 7,000 katao ang nasawi sa war on drugs bagamat mas konti ito sa halos 30,000 naitala ng mga human rights organizations.

Sinabi ni Lagman na saklaw ng imbestigasyon ang mga nangyari mula Nobyembre 1, 2011 kung kailan niratipika ng Pilipinas ang Rome Statute na bumuo sa ICC hanggang sa Marso 16, 2019 kung kailan naging epektibo ang pag-withdraw ng bansa sa naturang Statute.

Ipinaalala rin ni Lagman na lumabas ang desisyon ng ICC matapos magbaba ng desisyon ang Korte Suprema na nagsasabi na hindi maaaring takasan ni Duterte ang hurisdiksyon ng ICC sa pamamagitan ng pag-withdraw dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?