110

Mar 16, 2020 @ 10:21
By

Karton panghiwalay sa upuan, tsuper hinangaan

Inulan ng papuri ang isang tsuper, matapos sumunod sa utos na social distancing upang hindi mahawa ang madla sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa bagong patakaran ng Department of Transportation (DOTr), pinag-utos ang “one-seat-apart” policy at nilimitahan ang mga pasaherong pwedeng isakay ng mga pampublikong sasakyan.

Na-“very good” ni Facebook user Ahh Mhey Zing ang kanyang nasakyang jeep na may biyaheng San Andres Bukid, Manila.

Makikita sa kanyang mga larawan ang mga nakadikit na karton para hindi magtabi-tabi ang mga pasahero.

“At yung mga coins na panukli nilalagyan mo pa ng zonrox or alcohol,” kwento pa ng netizen.

“at syempre yung naka gloves ka pa ?? Very Good ka talaga dyan.. Sana yung ibang driver sumunod din sa ordinansa,” sey pa niya.

Hindi nabanggit ang ngalan ng tsuper.

Samantala, makalipas ang 18 oras, umani na ang kanyang post ng 23K reactions at 36K shares.

“dapat ganyan gayahin natin c kuya,” wika ni Ana Aguilar.

“buti pa si manong maliit lang kita nag kecare pa sa kapwa. yung iba dyang mayayaman na eh nang gugulang pa,” sambit naman ni Jay Castillo.

“Good Job si Manong. Imbes na magreklamo, naging responsable para sa kapakanan ng lahat. Mabuhay ka,” hayag naman ni Reah Castro.

Ngayong Marso 16, 2020 na ang pangalawang araw ng community quarantine sa Metro Manila, na ang ibig sabihin ay posibleng magpatupad ng curfew, at hindi makapapasok ang mga taga-ibang lugar sa nasabing rehiyon, liban sa mga manggagagawa.

Sa ngayon, 140 na ang mga nagpositibong pasyente sa COVID-19 sa ‘Pinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?