138

Jan 10, 2020 @ 21:41
By

Karne na may ASF sa QC supermarket, nakalusot sa NMIS

Hindi makapaniwala ang lokal na pamahalaan ng Quezon City nang madiskubreng may sertipikasyon mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) ang mga meat product na natuklasang positibo sa African swine fever (AFS) sa dalawang supermarket sa lungsod.

Sa press conference nitong Biyernes, kinumpirma ni QC Mayor Joy Belmonte na nagulat sila nang malaman na ang mga nakumpiskang ibinebentang mga baboy sa dalawang supermarket sa lungsod ay nabigyan ng sertipikasyon ng NMIS, isang attached agency ng Department of Agriculture (DA).

Kasabay nito ay itinanggi naman ni Belmonte, na ang mga nakumpiskang mga karne ng baboy na ASF positive sa dalawang supermarket ay hindi galing sa mga piggery sa kanyang nasasakupan.

“Upon further investigation by our team, we found out that the documentation of the meats were complete. Mayroong NMIS certificate. Mayroon ding certificate ang supplier na ASF-free,” giit ni Belmonte.

Gayunman, nilinaw ng alkalde na hindi nila maaaring kasuhan o parusahan ang mga ito, bagama’t sinusuri na ang 20 specimen ng mga karneng baboy mula sa iba’t ibang supermarket sa siyudad para tanggalin ang mga may ASF.

Ipinaliwanag na alkalde na ang pagpapalibing at pagtapon sa mga karneng may ASF sa mga supermarket sakaling positibo sa virus ay sasagutin ng retailer.

Sa panig naman ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. na ipinatawag din ng alkalde, tutulong sila para matiyak na ligtas sa ASF ang kanilang panindang karneng baboy, subalit ininguso nito na nakasalalay sa mga awtoridad ang pagsusuri ng meat products na dinadala sa kanila ng mga supplier.

“It’s very difficult for us to tell. All we can do is rely in the authority, the NMIS,” ayon kay Steven Cua,” Pangulo ng asosasyon.

Sinabi naman ni QC veterenarian Dr. Ana Cabel, mahigit sa 12 dosenang supermarket sa QC ang hinihinalang nagbebenta ng pork meat na kontaminado ng ASF kayat kanila itong iinspeksyunin.

Kaugnay nito, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Department of Agriculture (DA) sa mga natuklasang ASF positive na karneng baboy na nakalusot sa mga pamilihan na sinasabing posibleng nagkaroon ng ‘switching ride-on’ o ‘add-on’ sa delivery ng mga buhay na baboy mula sa farm ng slaughterhouse, delivery ng patay na baboy at tinitingi-tinging baboy patungo sa wholesale at retail cuts sa mga supermarket.

Nabatid na ang NMIS at Bureau of Animal Industry (BAI) ay walang pinal na procedure para sa ‘sealing’ ng meat delivery vehicles, ‘traceability’ ng karne mula sa farm source ng consumer, heightened ASF monitoring, surveillance sa meat establishment at meat retail outlet.

Magugunitang una nang nadiskubre na positibo sa ASF ang mga ibinebentang baboy sa SM Cherry Congressional at isinsuplay ng Northstar Star Meat Merchants Inc., sa mga suspermarket at palengke dahilan para pansamantala itong sinuspende at pinatawan ng ‘sanction’.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?