64

Dec 13, 2017 @ 9:49
By

Karnaper tiklo nang sumemplang ang ninakaw na motor

Isang 34-anyos na karnaper ang nadakip ng awtoridad ilang minuto matapos puwersahang tangayin ang motorsiklo ng isang misis habang armado ng tubo nang aksidenteng sumemplang habang tinutugis ng pulisya sa Brgy. Sulivan, Baliwag, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ni P/Supt. Froilan R.Uy, Baliwag police chief, ang nadakip na suspek na si Saydil Daud Ismael alyas ‘Raymond Bautista’,34 , may asawa, ng Brgy. Sulivan ng nasabing bayan na dinala din sa Baliwag District Hospital bunga ng tinamong mga sugat sanhi ng aksidente nang sumemplang ang kaniyang kinarnap na motorsiklo.

Nabatid na nakatanggap ng reklamo ang tanggapan ni Supt. Uy hinggil sa puwersahang pagtangay ng karnaper na si Ismael sa magenta Yamaha MIO sporty ng biktimang si Cristin Roselle Mendoza, 27, may asawa, ng Brgy. San Roque, Baliwag habang armado ng tubo.

Natiyempong nagpapatrulya ang awtoridad sa bisinidad kaya tinugis ng pulisya ang karnaper at dahil sa pagkataranta ay nawalan ito ng balanse sa tinangay na motorsiklo kaya naaksidente ito at makorner ng Baliwag police saka ito dinala sa pagamutan bago sinampahan ng kasong carnapping sa Provincial Prosecutors Office sa Malolos City. (Jun Borlongan)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?