41

Jan 7, 2022 @ 17:15
By

Karampot na taas suweldo ng mga guro nabalewala sa taas presyo

Dismayado ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa maliit na pagtaas sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan ngayong taon na nabalewala umano sa pagmahal ng mga bilihin.

Batay sa kuwentada ng ACT, mahigit 90% ng mga guro sa pampublikong paaralan na umuukupa ng Teacher I, II, at III position ay magkakaroon ng 5.4% hanggang 6/5% gross pay hike simula Enero 2022 sa ilalim ng Salary Standardization Law 5.

Pero kapag ibinawas umano ang dagdag na buwis at mandatory contribution, ang totoong pagtaas na matatanggap ay 2.8% hanggang 5.3% na lamang na kulang pa sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin.

“Malinaw, walang napala ang mga guro sa panunungkulan ni Pangulong Duterte. With his broken promise of doubling teachers’ salaries, our mentors are as underpaid and as debt-strapped as ever,” sabi ni Raymond Basilio, ACT Secretary General.

Binigyan-diin din ni Basilio ang pagkakaiba ng sahod ng guro sa mga sundalo, pulis at nurse.

Ang entry level salary ng mga sundalo at pulis ay P29,668 at ang Nurse I ay tatanggap na ngayong taon ng P35,097 buwanang sahod samantalang ang Teacher I sa pampublikong paaralan ay P25,439.

“In fact, the living standards of our teachers and their families have practically deteriorated in the last years as amid the soaring prices and additional health costs during the pandemic, teaching expenses have significantly increased with the government’s failure to provide for the needs of remote learning,” dagdag pa ni Basilio.

Naniniwala si Basilio na ikokonsidera ng mga guro sa pagpili ng iboboto sa nalalapit na halalan ang nangyaring pagkabigo ni Duterte na tuparin ang pangako na dodoblehin din ang sahod ng mga guro.

“Nadala na ang mga guro sa mga taksil sa pangako. They will not be duped by the same empty promises and untrustworthy politicians such as Duterte and his allies,” wika pa ni Basilio.

Nananawagan ang ACT sa mga kumakandidato sa pagkapangulo na ilatag ang kanilang plataporma sa edukasyon at kung papaano matutulungan ang mga kawani sa sektor ng edukasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?