Dalawa lang sa 40 manggagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na nahawa sa COVID-19 ang naka-confine ngayon sa ospital, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Naka-home quarantine naman ang iba pa, na may ‘di malubha o walang sintomas ng sakit.
“Lahat sila ngayon ay nasa maayos na kalagayan. Mayroon na lang silang dalawang empleyado na more than 50 years old na kanilang in-admit sa kanilang ospital,” wika ni Vergeire sa GMA News ngayong Miyerkoles.
“Maliban doon, ang ibang empleyado ay may mga minor [symptoms] at asymptomatic naman sila kaya sila ay nagho-home quarantine sa bahay,” dagdag niya.
Unang kinumpirma ni RITM director Dr. Celia Carlos nitong linggo na 40 tauhan ng RITM ang nagpositibo sa COVID-19, na nagresulta sa pagbabawas sa operasyon ng pangunahing COVID-19 testing laboratory ng bansa.