By

Kapwa reporters, kinondena ang death threat kay Canlas

Sharing is caring!

Walang lugar ang pananakot sa mga mamamahayag sa isang demokratikong bansa.

Ito ang tinukoy ng Justice Reporters Organization o JUROR kaugnay ng death threat na natanggap ng isa nilang kasamahan sa Justice beat na si Jomar Canlas, senior reporter ng pahayagang Manila Times.

Sa isang statement, kinondena ng JUROR ang pagbabanta sa buhay ni Canlas na natanggap niya sa pamamagitan ng text message, apat na araw matapos siyang tumestigo sa impeachment proceedings sa House Justice Committee laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Iginiit ng JUROR na hindi dapat maging target ng mga pag-atake at panggigipit ang mga mamamahayag na gumaganap sa kanilang tungkulin na maglahad ng mga balita at tiyaking naipapaalam sa publiko ang mga bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng pamahalaan.

“Journalists faithfully doing their job to keep the public well-informed, especially on matters pertaining to government affairs, should never be a target of attacks and intimidation,” ang nakasaad sa statement.

Itinuturing ng JUROR na direktang pag-atake sa press freedom ang pagbabanta kay Canlas.

“We consider the death threats received by Mr. Canlas as a direct attack on press freedom, which has no place in a democracy,” dagdag ng JUROR.

Pero nanindigan ang grupo ng mga mamamahayag na sa kabila ng panggigipit, hindi nila tatalikuran ang kanilang tungkulin na magbalita ng katotohanan dahil ito ay itinuturing nilang “social contract” sa taumbayan.

“To renege on our responsibility in upholding the truth at all times is to betray our social contract with the people. To stifle that responsibility, in whatever manner, is a betrayal of truth itself,” pagtatapos ng statement. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?