By

Kapos sa pera, bodegero nagbigti

Sharing is caring!

Problema sa pera at hindi makapagsustento sa pamilya ang dahilan umano kung bakit nagawa ng isang bodegero na magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng kanyang pinagtatrabahuhang warehouse sa Barangay Maybunga, Pasig City kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Nicanor Divinagracia, 46, may asawa, at residente ng Block 96, Lot 2, Phase IV, Marycris Complex, Pasong Camachile 1, General Trias, Cavite.

Batay sa ulat ng Pasig City Police kay Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, nabatid na bandang alas-10:40 ng umaga nang madiskubre ang pagpapatiwakal ng biktima sa loob ng warehouse ng All Inclusive Sales Inc., na matatagpuan sa Lot 3, Good Harvest Complex, sa Barangay Maybunga.

Nagulat na lang umano ang testigong si Marwell Valid nang pagpasok sa bodega at makitang nakabigti na ang biktima sa isang metal frame, gamit ang isang lubid.

Kaagad namang ipinaalam ni Valid sa kasamahang si Jerome Pajalla ang insidente at sa kanilang warehouse supervisor na si Dennis Tan.

Isinugod nila ang biktimang sa Tri-City Hospital ngunit hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa kaibigan ng biktima na si Dionisio Karbajal, maaaring problema sa kakapusan sa pera at hindi masustentuhan ang pangangailangan ng kanyang pamilya ang dahilan kung bakit nito nagawang wakasan ang sariling buhay, ngunit iniimbestigahan pa rin ito ng mga awtoridad kung may naganap na foul play. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?