37
shabu-1
By

Kapitan wagi sa halalan, huli naman sa droga

Sharing is caring!

Sa halip na magbunyi at ipagdiwang ang pagkapanalo sa nakaraang halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK), swak sa kulungan ang isang nagwaging kapitan sa Cotabato makaraang mahulihan ng iligal na droga ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang nadakip na reelectionist na si Malasila barangay chairman Melvin Fortajada.

Dinakma siya sa loob ng kanyang tahanan sa Makilala, Cotabato.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte ay sinalakay ang tahanan ni Fortajada at nakasamsam ang mga operatiba ng limang sachet ng shabu, drug paraphernalia at tatlong bala ng kalibre .45 na baril.

Mariin namang itinanggi ni Fortajada na sa kanya ang mga droga at iginiit niya na itinanim lamang ito.

Magugunitang bago ang halalan sa barangay at SK, nagbabala na ang pamunuan ng PDEA na hindi sila mangingiming arestuhin at kasuhan sa korte ang mga nanalong barangay na mapapatunayan nilang sangkot sa iligal na droga sa bansa.

Sa rekord ng PDEA, may 207 barangay official na sangkot umano sa illegal drug trade.

Sa naturang bilang na mga barangay official, 90 sa mga ito ay barangay captain habang 117 naman ang barangay kagawad.

Inaalam naman ng PDEA kung muling nanalo at nakabalik sa puwesto ang mga kapitan at kagawad na nasa watchlist nila na sangkot o nagbibigay proteksiyon sa illegal drugs sa kanilang mga nasasakupan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?