571

Oct 10, 2017 @ 17:36

Kapatid ni Nadine, nagbaril sa ulo

Winakasan ng 16-anyos na kapatid ng umanoy ng sikat na aktres na si Nadine Lustre, ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo, noong gabi ng Oktubre 8, 2017, sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City.

Si Isaiah Paguia Lustre, 16, High School student ay natagpuang duguang nakahandusay sa loob ng kanyang silid sa No. 19 Hilo St., Silvina Village, Barangay Talipapa ng nasabing lungsod. Siya ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo.

Gayunman, wala pa umanong kumpirmasyon mula sa pamilya nito ang totoong dahilan kung bakit nagpakamatay ang kapatid ng aktres. Tumanggi rin ang pulisya na kumpirmahin na ang binatilyo ay kapatid ng sikat na si Nadine Lustre na katambal ni James Reid sa mga teleserye na mapapanood sa ABS-CBN at mga pelikula.

Batay sa pahayag ng nakababatang kapatid na babae ni Nadine na nakilalang si Naomie, dakong alas-7: 45 ng gabi, habang abala ito sa paglalaro sa kanyang i-pad ay nakarinig na lamang siya ng dalawang putok ng baril mula sa silid ni Isaiah.

Agad niyang tinungo ang silid ni Isaiah at doon ay bumungad sa kanya na nakabulagta na ito at tumatagas ang dugo sa ulo, kaya sa matinding takot ay tinawag niya ang kanyang kuya na nakilalang si Ezexiel.

Kapwa takot na takot namang humingi ng tulong ang mga kapatid ng biktima sa kanilang mga kapitbahay at isinugod sa Pacific Global Medical Center ang binatilyo subalit namatay din ito pagdating sa ospital.

Sa pahayag ng mga kapatid ng biktima sa pulisya, wala namang nasasabing mabigat na problema sa kanila si Isaiah pero nitong mga huling linggo ay napapansin na umano nila ang pagiging malungkutin, bugnutin, ayaw makipag-usap sa kanila at laging nagkukulong sa kanyang silid.

Tumanggi naman si Ulysses Lustre, ama ng biktima na paimbestigahan pa ang naganap na krimen sa loob ng kanilang tahanan dahil kumbinsido umano siyang nagpakamatay ang kanyang anak.

Nakasamsam ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ng Quezon City Police District (QCPD) ng 2 live ammunitions ng caliber 380 na ginamit umano ng biktima sa pagpapakamatay. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?