696

Oct 25, 2017 @ 13:28

Kapatid ni Janno nakipagtalakan, murahan sa sekyu ng ABS-CBN

HOW true na nakasagutan daw ng dating artista at singer na si Melissa Gibbs ang isa sa mga security guard na nagbabantay sa harap ng entrance gate ng ELJ building ng ABS-CBN kung saan pumapasok ang mga bossing, VIP at ilang biggest star?

Si Melissa ay anak ng well-respected veteran actor na si Ronaldo Valdez at kapatid ng singer din na si Janno.

Ang sabi ng naka-chika namin ay pumarada raw sa harapan ng entrance gate si Melissa na marahil ay may hinihintay na tao, kaya nang makita raw ng naka-assign na guard ay sinita ito dahil baka anytime ay may sasakyan ng mga bossing, bisitang VIP o mga bigating artista ang dumating at kailangang pumasok sa entrance gate na ikinagalit daw ng dating singer.

Medyo nataasan daw sa boses ng guard si Melissa kaya raw siguro nagtaas na rin daw ng boses ang singer at nagmura pa diumano, ayon sa mga nakarinig sa paligid habang nagaganap ang insidente sa pagitan ng dalawa.

Sadyang ganu’n daw ang boses ng guard, sey pa ng aming source na nakakausap madalas ng guard na ‘yon. Pero ‘yun nga raw, baka kapag iba ang kausap ng guard na hindi ito lubos na kilala at alam na ganu’n talaga ito kung magsalita ay maaaring magalit.

Dahil sa nangyari, ilang araw raw namataan sa pinangyarihan ang ama ni Melissa upang kausapin ang guard na nakaalitan ng anak. Pero inilipat na raw ng area ang guard kung kaya hindi na ito naharap ni Ronaldo.

Hindi lang namin alam kung ipinarating ng isa sa mga bida ng hit movie na Seven Sundays ng Star Cinema ang nangyari sa pamunuan ng Kapamilya network.

Hangad namin na magkausap ng mahinahon at magkaayos din ang guard at si Melissa kasama ang respetadong ama niya. (FRANCE SIMEON)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?