151

Feb 11, 2020 @ 10:06
By

Kapangyarihan inabuso! Panggigipit sa ABS-CBN franchise dapat bantayan – Robredo

“Taliwas sa karaniwang proseso ng pag-renew ng prangkisa [ng ABS-CBN] ang nangyayari. Panggigipit ito, ayon sa pansariling agenda ng iilang nasa poder. Samakatuwid: Pang-aabuso ito ng kapangyarihan.”

Ang pahayag ni Bise Presidente Leni Robredo ngayong Martes, Pebrero 11, patungkol sa quo warranto petition na hinain kahapon ni Solicitor General Jose Calida laban sa ABS-CBN Corporation.

Nanindigan si Robredo na panggigipit ang ginagawa ni Calida ay hindi lang tungkol sa kalayaan ng pamamahayag ni sa kalayaang magsalita kundi maging sa “karapatan ng sambayanang marinig ang katotohanan sa buong lawak nito, at matukoy ang kolektibo nating pinahahalagahan bilang bansa.”

“Malinaw po ang tawag sa atin ng prinsipyo: Itaguyod ang kalayaan, isulong ang karapatan, at bantayan ang katotohanan. Masinsin po nating sinusubaybayan ang isyu ng pag-renew ng prangkisa sa ABS-CBN,” wika ng Bise Presidente.

“Ang itanong nga po natin: Kung nagagawa ito sa pinakamakapangyarihang network sa ating bansa, gaano pa katagal para magawa ito sa iba pang mas malilit na network, sa mga pahayagan at istasyon ng radyo, at pati na sa sari-sarili nating mga social media feed, upang madiktahan tayo ng kung ano ang totoo at mahalaga?” usisa pa niya.

Kaya naman hinimok niya ang lahat, pangunahin ang mga Kinatawan sa Kongreso na nakatalaga ang kapangyarihang mag-renew ng prangkisa, upang “makiisa sa pangangalaga ng kalayaan ng pamamahayag.”

Lunes ng umaga, Pebrero 10, 2020, nang maghain si Calida ng isang “very urgent omnibus motion” para sa Korte Suprema para ipawalang-bisa na ang prangkisa ng ABS-CBN at ng digital media arm nito.

Inakusahan ni Calida ang ABS-CBN ng paglabag sa constitutional limit ng dayuhang pagmamay-ari na nililimitahan ang lahat ng media companies sa 100% Filipino equity. Giit ni Calida, may ‘corporate layering scheme’ ang Lopezes para hakbangan ang Kongreso sa paglilipat ng prangkisa nito.

Matatapos ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, 2020 at napaulat na pinakiusapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang House committee on franchise na huwag magsagawa ng pagdinig ukol sa pagpapalawig ng naturang prangkisa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?