212

Jul 2, 2020 @ 13:27
By

Kapalpakan ng Meralco, Maynilad, Manila Water isisi kay Duterte – Imee

Tiyak na maapektuhan ang ieendorsong kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2020 presidential elections kung hindi mabibigyan ng solusyon ang problema sa mataas na singil ng kuryente at tubig sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Ito ang pangamba ni Senadora Imee Marcos sa gitna na pag-alburoto ng mga kustomer ng Meralco, Maynilad at Manila Water dahil sa sobrang taas ng singil ng mga ito sapul na ipatupad ni Duterte ang lockdown noong Marso.

“Naku, siguradong maaapektuhan ang mga kandidato ng administrasyon na tatakbo sa 2022 presidential elections dahil dyan isyu ng kuryente at tubig,” paniwala ng senadora.

Sobrang taas ng billing ng Meralco, Maynilad at Manila Water. Pano nangyari yon?” pagtatanong pa nito.

Ayon kay Marcos, malaking usapin ang kuryente at tubig sa pang araw-araw na kabuhayan ng taumbayan at kinakailangang kumilos na mismo ang Pangulo para maitama ang singil kung nais nitong manalo ang kanyang mga kandidato sa darating na halalan.

“Hindi malayong matalo ang mga kandidato ng administrasyon sa darating na eleksiyon sa 2022 dahil sa isyu ng kuryente at tubig,” ani Marcos.

“Kaya ngayon pa lang dapat ay tapusin na ang problema at pagpaliwanagin ang Meralco, Maynilad at Manila Water. Kung meron dapat managot, papanagutin at kasuhan!” sambit pa nito.

Binigyang-diin ni Marcos na kailangang magkaroon muna ng aktuwal na “meter reading” sa mga kuntador ng bawat customer bago maningil ang Meralco, Maynilad at Manila Water na siyang pagbabatayan ng billing ng tatlong kumpanya.

“Ano sila nanghuhula? Hindi naman dapat ibase lang ng Meralco, Maynilad at Manila Water sa “estimate” ang singil sa kuryente at tubig ng ating mga kababayan,” sabi ng senadora.

Sumobra naman ang estimate nila, kaya ayan tuloy nagkagulo-gulo, galit ang taongbayan!” dagdag pa nito.

Binalaan pa nito ang Meralco, Maynilad at Manila Water na hindi kailangang gawin ang pamumutol ng kuryente at tubig kung hindi man nakababayad ang kanilang custormer dahil na rin sa hindi katanggap-tanggap na billing pati na ang hindi maayos nitong serbisyo.

“Palpak na nga ang serbisyo, pati billing palpak na rin! Kaya wag silang mamumutol ng kuryente at tubig. Sobra naman ata yan!” ani Marcos.

“Ang daming naghihirap at namamatay dahil sa COVID, pero parang walang pakialam talaga ang mga may-ari ng Meralco, Maynilad at Manila Water. Manhid!” naiinis na pahayag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?