124
drowning
Dec 8, 2019 @ 15:49
By

Kano nalunod sa resort sa Palawan

Patay sa pagkakalunod ang isang 59-anyos na Amerikano na nagbabakasyon lang sa bansa matapos lumangoy nang lasing sa isang beach resort sa Puerto Princesa City sa Palawan, Sabado ng hapon.

Sinubukan pang isugod sa pinakamalapit na ospital subalit dineklarang dead on arrival ang biktimang nakilalang si Stephen Duane Dewit at pansamantalang nanunuluyan sa Puerto Princesa City ng nabatid na lalawigan.

Base sa ulat ng Puerto Princesa City Police Office, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon sa isang beach resort sa Sitio Pagkakaisa, Barangay Napsan ng nasabing lungsod.

Napag-alaman na nagkatuwaan ang biktima at mga kaibigan nito at nag-inuman pa ng alak.

Nang medyo nalasing na ang binatang biktima ay nagpasya itong lumangoy sa dagat subalit hindi na ito nakabalik pa sa mga kaibigan, kaya nagpasya silang hanapin at doon nila nakita si Dewit na nalunod.

Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang biktima pero bigo na ang doktor na sumuri na maisalba pa ang buhay nito.

Isasailalim naman sa inisyal na autopsiya ang bangkay ng biktima upang malaman kung ano talaga ang sanhi ng pagkamatay nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?