379
arrested
Oct 15, 2017 @ 16:05

Kano kalaboso sa panghihipo

Rehas na bakal ang hinihimas ngayon ng isang Amerikano matapos ireklamo ng katabing babae sa loob ng sinehan na kanyang hinipuan sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang Kano na si Joseph Martin McMillan, 31-anyos, na anim na buwan nang nasa bansa.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-sais ng gabi habang nasa loob ng sinehan sa isang mall sa Barangay Bagong Pag-asa ang suspek katabi ang hindi na pinangalanang biktima kasama ang mister, nang hipuin umano ni McMillan ang hita ng babae.

Bunsod nito’y nagpalitan ng upuan ang mag-asawa ngunit isang komosyon ang nagsimula matapos utusan ng lalaki si McMillan na alisin nito ang braso sa kanyang upuan.

Ayon sa mag-asawa, lasing umano ang dayuhan at sa halip na alisin ang kanyang braso ay sinuntok pa nito ang mister ng babaeng hinipuan.

Dinala si McMillan sa QCPD Station 2 at inilipat sa QCPD Headquarters sa Camp Caringal.

Itinanggi naman ng Amerikano ang alegasyon na minolestiya niya ang babae at iginiit na hindi siya nakainom ng alak nang mangyari ang insidente.

Nahaharap ngayon sa kasong acts of lasciviousness at physical injuries ang Kano. (Dolly Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?