80

Sep 19, 2019 @ 18:09
By

Kano kalaboso sa pang-aagaw ng sanggol

Kulong ang isang US citizen na lalaki matapos magwala at mang-agaw ng siyam na buwang gulang na sanggol sa loob ng Rural Health Center (RHC) malapit sa Urdaneta City Police Office (UCPO)sa nabanggit na lungsod, Miyerkoles ng tanghali.

Kinilala ni Police Regional Office 1 public information officer P/Lt. Col. Mary Crystal Peralta ang suspek na si Ethan Leneal Sams, 30, ng Kansas City, USA at kasalukuyang nakatira sa Barangay Sumabnit, Binalonan, Pangasinan.

Base sa report, nangyari ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali sa loob ng RHC sa Barangay Poblacion.

Ayon sa UCPO, pumunta sa RHC si Jozelle I. Rubang, 29, dating live-in partner ng suspek, kasama ang kanyang siyam na buwang gulang na anak para magpa-medical check-up.

Sinabi ng UCPO, habang nagsasagawa ng check-up ang ang duty doctor sa sanggol, biglang lumitaw si Sams at inagaw ang bata sa kanyang nanay (Rubang) na nagresulta ng kaguluhan sa loob ng RHC.

Sa pagwawala ng suspek, sinuntok umano niya ang nanay ni Rubang na si Perfetua na nagresulta ng sugat nito sa ulo.

Sinabi ng UCPO na ang suspek ay nagwala sa loob ng health office ngunit nasukol din siya ng mga pulis na nagresponde sa insidente.

Dinala si Sams sa UCPO at nahaharap sa kaukulang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?