143

Nov 7, 2017 @ 10:56
By

Kampo ni CJ Sereno, bumuwelta kay Roque sa banat na resignation

Tinawag na ‘premature’ ng kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang panawagan ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magbitiw na ang Punong Mahistrado sa puwesto.

Ayon kay Atty. Josa Deinla, tagapagsalita ni Sereno, hindi dapat na binibigyan ni Roque ng prejudgment ang impeachment case ng Punong Mahistrado.

Aniya, mas mainam na hayaang gumulong ang proseso ng impeachment na salig sa itinatakda ng Konstitusyon.

“At any rate, Atty. Roque’s statements are premature and misdirected as it is the Chief Justice’s accusers who are inflicting damage to the Supreme Court,” giit ni Atty. Deinla.

Bilang dating mambabatas at nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Sereno, batid umano ni Roque na ang reklamo ay sasalang sa deliberasyon ng House Committee on Justice kung saan inaasahan nila na ang karapatan ng Punong Mahistrado ay irerespeto.

Paliwanag pa niya, “It would be prudent for Atty. Roque not to prejudge the case and let it run its course in accordance with the Constitution. After all—Atty. Roque as one of the endorsers of the complaint knows this very well—the case will soon be deliberated upon at the House Committee on Justice where the rights of the Chief Justice as respondent ought to be respected.”

Kasabay nito, pinaalalahanan din ni Deinla si Roque na siya ay nagsasalita hindi na para sa kanyang sarili, kundi para kay Pangulong Rodrigo Duterte na nauna na umanong naghayag noon na siya ay magiging “hands off” o hindi makikialam sa impeachment.

Para kay Deinla, ang panawagan ng pagbibitiw ay indikasyon din na mahina ang mga ebidensiya laban sa Punong Mahistrado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?