39

Jul 7, 2021 @ 13:08
By

Kampo ng militar niratrat ng NPA, 3 patay

Umatake ang pwersa ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang kampo ng militar sa Jipapad, Eastern Samar nitong Miyerkoles kung saan tatlo ang patay at apat ang sugatan.

Ayon sa inisyal ng ulat, umaga nang umatake ang mga rebelde kung saan isang sundalo sa ilalim ng 52nd Infantry Battalion at dalawa mula sa Civilian Armed Forces Geographical Unit ang napatay.

Ang apat din na sugatan ay mula sa panig ng mga militar.

Tinatapos lang umano ng mga sundalo ang pagsasaayos ng isang kampo sa lugar nang biglang nagpasabog ng landmine ang mga rebelde at pinaputukan ang mga sundalo dakong alas-6:45 a.m. ng umaga.

Nagtagal umano ng 20 minuto ang bakbakan, kung saan tinataya ding may mga nasawi sa panig ng mga rebelde.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad upang matunton ang kuta ng mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?