35

Kampanya mas mahalaga sa mga mambabatas kaysa 2019 budget – Diokno

Mas interesado ang mga mambabatas na mangampanya para sa darating na midterm elections kaysa ipasa ang 2019 proposed national budget.

Ito ang inihayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa harap ng patuloy na pagkabinbin sa Kongreso ng proposed budget kaya gumagamit ngayon ang gobyerno ng reenacted budget.

Ayon kay Diokno, malinaw na pangangampanya ang ginagawa ng ilang kongresista gaya na lamang ng pagsasampa ni Congressman Rolando Andaya Jr. ng petition for mandamus sa Korte Suprema para obligahin ito na ibigay ang salary increase ng mga kawani ng gobyerno.

Iginiit ng kalihim na hindi maaaring gamitin ang miscellaneous personnel benefits fund para pondohan ang fourth tranch ng salary increase sa ilalim ng salary standardization law.

Sa ilalim aniya ng Executive Order Number 201 na pinagbasehan ng DBM, kinakailangan pa rin ng appropriations mula sa Kongreso para maipatupad ang salary increase.

Binigyang-diin ng kalihim na naiwasan sana ang mga kinakaharap na problema, gaya na lamang ng salary increase, dagdag na pera para sa mga senior citizens at iba pa kung ipinasa agad ang 2019 proposed national budget.

“I think many of these problems could have been avoided had Congress just approved the general appropriations act. The adjustment, the additional pay for the senior citizens, etc. so I now go back to what I asked them before; approve the budget that’s their primary role,and so I think we should have really avoid this reenacted budget,” ani Diokno.

Panghahawakan ng kalihim ang pangako ng Sendo na ipapasa nila ang 2019 budget sa huling linggo ng Enero. (aileen taliping)##

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?