16

Feb 8, 2021 @ 14:29
By

Kampanya laban sa depektibong LPG paigtingin

Nanawagan si Senadora Grace Poe sa Department of Trade and Industry (DTI) na habulin ang mapagsamantalang mga negosyante na nagbebenta ng “pekeng” liquefied petroleum gas (LPG) na kalimitan ay maliliit na mamimili ang nabibiktima.

Ito’y matapos maglipana sa merkado ang mga depektibong tangke ng LPG, at walang pakialam ang ilang negosyante kung anong kapahamakan ang maaaring idulot nito sa consumers o pamilya na gumagamit ng kanilang produkto.

“Maraming reklamong nakararating sa aming opisina… kung minsan kalawangin daw at madalas malabo o walang brand ang LPG na kanilang nabibili,” payahag ni Poe.

“Ang masakit pa nito, sapat ang bayad nila pero kulang sa takdang 11 kilo na timbang ang binibigay sa kanila,” dagdag pa nito.

Ayon kay Poe, kailangang maging maingat at mapanuri ang mga consumer, at siguruhing maayos ang kanilang binibiling LPG tulad ng pagkakaroon ng tamang safety cap seal na may serial number na nakakabit sa bawat cylinder at merong dapat ini-isyung official receipt.

“Hindi lang nito ninanakawan ang mamimili, nilalagay pa nito sa peligro ang buhay ng gumagamit ng depektibong produkto,” sabi ng senadora.

Hiniling din ni Poe na mabilisang bigyang solusyon ang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG na halos hindi na makayanan ng ordinaryong mamimili dahil na rin sa mahirap na kalagayang dulot ng pandemya.

“Saan pa pupunta ang mga kababayan nating mahihirap? Halos lahat ng presyo ng mga bilihin ay tumaas na at sumabay pa itong LPG. Dapat umaksyon kaagad ang kinauukulang ahensya,” ayon pa sa mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?