71

Nov 28, 2017 @ 11:16
By

Kamara, pinaghihinay-hinay sa pagtawag ng testigo vs Sereno

Pinaghihinay-hinay ng ilang kongresista ang House Justice Committee sa pagpapatawag ng mga testigo sa impeachment hearing laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Katuwiran ng dating prosecutor na si Siquijor Rep. Rav Rocamora, dapat munang alamin kung relevant ang magiging testimonya ng mga opisyal na pinadadalhan ng subpoena kaugnay ng reklamo sa punong mahistrado.

Matutukoy aniya ng komite ang relevance ng testimonya ng mga gustong paharapin sa komite kung magsusumite muna ang mga ito ng affidavit.

Ayon kay Rocamora, hindi puwedeng apruba lang nang apruba ang komite sa mga iminumungkahi ni Atty. Larry Gadon na maipatawag bilang testigo.

Kung ganito aniya ang palaging mangyayari ay talagang lalabas na ang Kamara ang nagbi-build up ng kaso ni Gadon laban kay Sereno.

Sa pagdinig kahapon, inamin din ni Gadon na hindi nito personal na nakausap ang sinuman sa mga taong hiniling niyang ipatawag ng Justice Committee. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?