13

May 4, 2021 @ 15:34
By

Kamara naghahanda na sa bakuna ng A3 priority group

Nakatutok na ang Kamara de Representantes sa pagbabakuna ng mga empleyado nito na kabilang sa category A3 o mga taong may comorbidity.

Isang listahan ang inihanda ng Kamara para sa mga opisyal at empleyado na target bakunahan ngayong buwan ng CoronaVac, ang bakuna na gawa ng Chinese-based na Sinovac Biotech.

Batay sa Memorandum na inilabas ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza kailangang magpakita ng medical clearance sa doktor na nasa vaccination area ang empleyado bago ito bakunahan.

Ang medical clearance ay katunayan na ibinigay ng isang doktor na ang pasyente na kanyang sinuri ay handa o maaaring bigyan ng COVID-19 vaccine.

Hindi tinukoy sa memorandum ang eksaktong petsa ng pagbabakuna.

Nauna ng sinabi ni HREP Congvax head at Bataan Rep. Jose Enrique Garcia III na bibili ang Kamara ng 60,000 dose ng bakuna ng Novavax, isang US-based company.

Inaasahang darating ang bakuna sa Hunyo o Hulyo at gagamitin sa mga opisyal at empleyado na hindi pa nababakunahan.

Noong Enero ay inanunsyo ng Novavax na ang kanilang bakuna ay mayroong 89.3% efficacy batay sa isinagawang pag-aaral. Sinimulan na rin ang clinical trial sa mga bata.

Ang Novavax ay hindi pa nag-aaplay ng emergency use authorization sa Food and Drug Administration (FDA).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?