24

Nov 24, 2021 @ 17:26
By

Kamara igigiit bawas excise tax sa langis

Determinado ang Kamara de Representantes na aprubahan ang panukala na bawasan ang excise tax na ipinapataw sa piling produktong petrolyo sa kabila ng dalawang magkasunod na pagbaba.

Ayon kay Deputy Majority Leader at Quezon City Rep. Jesus Suntay ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Jay Velasco ay nais na makapagbigay ng saklolo sa mga Pilipino na hinahagupit ng COVID-19 pandemic at mataas na presyo ng langis.

“Our people, not only ‘yong mga simpleng mamamayan natin pati ‘yong mga negosyante natin, mga naghahanapbuhay eh kailangang-kailangan naman ng konting reprieve from the government,” sabi ni Suntay, isa sa may-akda ng House Bill 10488.

Ayon kay Suntay ang pagbaba ng presyo sa nagdaang dalawang linggo ay hindi sapat at inaasahan umano ang pagtaas ng demand sa produktong petrolyo na magpapataas sa presyo dahil sa paglamig ng panahon sa mga bansa sa kanluran.

Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang panukala noong Nobyembre 11. Sumalang ito sa deliberasyon ng plenaryo noong Nobyembre 22 at hindi pa naaaprubahan sa ikalawang pagbasa.

Tinututulan ang panukala ng Department of Finance (DOF) dahil makakaapekto umano ito sa kita ng gobyerno.

Sa ilalim ng panukala, ang excise tax rate ng produktong petrolyo ay ibababa sa lebel bago ipinatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law (Republic Act 10963).

Ang excise tax sa gasolina na ang octane level ay 91 o mas mababa ay papatawan ng P4.35 kada. Ang mas mataas naman sa 91 ang octane level ay P7 kada litro.

Wala namang ipapataw na excise tax sa diesel, kerosene, at liquefied petroleum gas (LPG).

Kapag ang presyo ng kurudo sa pandaigdigang pamilihan ay bumaba sa $65 kada bareles ay ibabalik na ang excise tax sa lebel na nakasaad sa TRAIN.

Umaasa si Suntay na maipapasa ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa mga susunod na linggo at susuportahan din ito ng Senado.

“I’m sure ‘yong mga kasamahan natin would also want to give it as a Christmas gift to the Filipino people, who have been hit hard by this pandemic,” dagdag pa ni Suntay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?